
Ang agency ng K-pop group na FIFTY FIFTY, ang ATTRAKT, ay naglabas ng pahayag na pansamantalang hihinto si Keena sa kanyang mga aktibidad dahil sa Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD).
Ayon sa ulát ng Dispatch noong Mayo 9, nagsimula ang kondisyon ni Keena matapos ang harap-harapang imbestigasyon kasama si An Sung Il, ang CEO ng The Givers, na naganap noong Abril 15 sa Gangnam Police Station.
Noong Agosto ng nakaraang taon, nagsampa ng reklamo si Keena laban kay An Sung Il. Inakusahan niya ito ng pamemeke ng dokumento at maling paggamit nito para sa copyright ng kanilang sikat na kantang "Cupid". Ayon kay Keena, 0.5% lang ng copyright ang nakarehistro sa kanyang pangalan.
Kasama ang kanyang abogado, humarap si Keena kay An sa loob ng dalawang oras. Pagkatapos ng pag-uusap, lumala ang kalagayan ng idol at nakaranas siya ng matinding sintomas ng PTSD tulad ng pagsusuka, hindi makatulog, pagkawala ng gana, at mga auditory hallucinations.
Dahil dito, nagpasya ang ATTRAKT na ihinto muna ang kanyang mga aktibidad upang bigyang-priyoridad ang kanyang kalusugan. Hindi nakasali si Keena sa anumang schedule ng grupo mula nang magbalik ang FIFTY FIFTY noong Abril 29.