Ang isang 25-anyos na estudyante sa kolehiyo ay nasugatan matapos makaladkad at manakawan ng cellphone ng isang rider sa EDSA North Avenue, Quezon City. Nakuha sa viral na video ang insidente kung saan ilang minuto siyang nakaladkad sa southbound lane ng EDSA bago tuluyang nahulog sa motorsiklo.
Nagkita ang biktima na si Janine Balanza at ang suspek sa isang mall sa North Avenue noong April 20. Ibinebenta ni Janine ang kanyang cellphone sa halagang ₱19,800. Gagamitin sana niya ito para sa tuition sa huling semestre sa kolehiyo.
Sinabihan siya ng suspek na sumakay ng motor para daw mag-withdraw ng pambayad sa cellphone. Nang sumakay siya, bigla siyang kinutuban at nagtangkang bumaba. Pero may sumabit sa kanyang bag o damit kaya siya ay nakaladkad nang biglang umarangkada ang motor ng suspek.
Sugatan at stress si Janine matapos ang insidente. Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso at hinahanap na ang suspek.