
Ang dalawang Chinese nationals ay naaresto ng Philippine National Police (PNP) dahil sa kasong kidnapping sa Nasugbu, Batangas. Kinilala ang mga suspek na sina Huang Yuze, 27, at Zhao Li Shan, 29, matapos ang isang operasyon ng Anti-Kidnapping Group at Police Regional Office 4A sa Bacoor, Cavite. Nagtangka pa umanong tumakas ang mga suspek nang sitahin sa isang checkpoint, pero agad silang nahabol ng mga awtoridad.
Ang insidente ng kidnapping ay nangyari noong Mayo 2 sa Barangay Balaytigue, Nasugbu, kung saan dinukot ang tatlong banyaga, dalawang Chinese at isang Korean, pati na rin ang dalawang Pilipino. Pinakawalan ang mga biktima kinabukasan matapos ang negosasyon para sa ransom.
Iniharap na ang mga suspek sa Department of Justice para sa inquest proceedings at haharap sa kasong kidnapping, illegal possession of firearms, at iba pang kaugnay na kaso.