Ang isang Japanese restaurant sa Pasay Road, Makati City ay hinoldap ng dalawang lalaking naka-motorsiklo at nakasuot ng helmet nitong Linggo.
Ayon sa CCTV, habang kumakain at nagpapahinga ang mga crew, bigla na lang pumasok ang dalawang lalaki. Tinutukan nila ng baril ang mga crew at agad na nagsabing holdap ito.
Kinuha ng mga suspek ang mahahalagang gamit ng mga customer bago mabilis na tumakas gamit ang motorsiklo.
Ang insidente ay naging viral sa social media matapos mai-upload ang CCTV video kinabukasan, Lunes ng umaga.
Iniimbestigahan na ng mga pulis ang nangyari at inaalam pa kung magkano ang kabuuang halaga ng mga natangay ng mga suspek.