
Ang mga taong nagpipiknik sa Tapwakan River sa Pugo, La Union ay nabigla nang biglang tumaas at lumakas ang agos ng tubig bandang alas dos ng hapon, noong Mayo 6, 2025. Ayon sa isa sa kanila, si Bel Baldemor, habang naliligo sila ay napansin nilang nag-iba ang kulay ng tubig kaya agad silang umahon.
Makalipas lang ang ilang sandali, biglang rumagasa ang tubig at lumalim ito. Dahil dito, nagpatunog ng sirena ang mga bantay sa ilog bilang babala at pinayuhan ang mga tao na lumabas agad sa tubig.
Walo ang kailangang irescue, kabilang ang isang babae na makikita sa video na hirap makalabas dahil sa lakas ng agos. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Pugo MDRRMO at iniligtas ang mga taong naipit sa gitna at gilid ng ilog.
Ayon pa kay Bel, nagtaka sila kung bakit nangyari ito dahil mahina lang ang ambon at hindi naman bumuhos ang ulan sa lugar. Pero dahil nasa bundok ang pinagmumulan ng ilog, posible umanong doon bumuhos ang malakas na ulan.
Ang insidente ay paalala na dapat maging alerto at maingat sa mga ganitong lugar, lalo na kapag may ulan sa mga kabundukan kahit hindi ito ramdam sa ibaba.