Ang isang 17-anyos na ina at ang 6-buwang gulang niyang sanggol ay brutal na pinaslang ng kanyang live-in partner sa Brgy. Talogoy, Malita, Davao Occidental, dahil umano sa matinding selos.
Nadiskubre ang krimen kamakalawa nang magsimulang umalingasaw ang mabahong amoy mula sa bahay ng mga biktima. Ayon sa Davao Occidental Police, nagsisimula na raw mabulok ang mga katawan ng mag-ina nang matagpuan sila.
Base sa imbestigasyon, posibleng tatlo hanggang apat na araw na silang patay. Parehong nagtamo ng malalalim na taga sa ulo at leeg ang ina at sanggol. Nakita rin sa crime scene ang isang duguang gulok na pinaniniwalaang ginamit sa pag-atake.
Napag-alaman na noong Abril 15, 2025, ipinatawag na sa barangay ang suspek dahil sa pambubugbog sa kanyang partner, na sinasabing dulot ng labis na pagseselos.
Patuloy pa rin ang paghahanap sa suspek para siya ay mahuli at mapanagot sa krimen. Maraming residente ang nabigla at nagluksa sa sinapit ng mag-ina.