Ang tatlong bangkay ng mga lalaking hindi pa nakikilala ay natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Rizal noong Biyernes, April 25, 2025.
Sa Brgy. Silangan, San Mateo, dalawang katawan ang nakita sa Phase 4 Monterey Hills Lower Side bandang alas-4 ng hapon. Tinatayang nasa 30 hanggang 40 taong gulang ang mga ito, at nakagapos ang mga kamay. Nagsisimula na rin silang mabulok, base sa ulat.
Samantala, isa pang bangkay ang narekober sa Mae Puso Avenue, Brgy. Kalayaan, Angono bandang 11:45 ng gabi. May t-shirt sa mukha na may tape, at nakaposas ang isang braso.
May saksi raw na nakakita sa dalawang lalaking tumatakbo palayo bago matagpuan ang katawan. Hindi pa rin tukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Patuloy ang hiwalay na imbestigasyon ng mga pulis sa San Mateo at Angono para malaman ang puno’t dulo ng mga insidenteng ito.