
Panibagong tensyon ang naitala sa pagitan ng Senado at Chinese Embassy sa Manila, na nag-udyok kina Senador JV Ejercito at Raffy Tulfo na humiling ng bagong ambassador para sa China sa Pilipinas.
Ayon kay Ejercito, ang kasalukuyang Chinese Ambassador Jing Quan ay labis na hostile sa mga opisyal ng gobyerno. “Diplomats representing their country, they should not be hostile… pero sa kasalukuyan, naging very hostile siya sa mga opisyal natin,” aniya. Dagdag pa niya, bagama’t bago pa lang si Jing sa bansa simula Disyembre, ramdam na ang tensyon sa ugnayan.
Samantala, sinabi ni Tulfo na si Jing ay “very aggressive at very sensitive” kumpara sa kanyang naunang predecessor na si Huang Xilian. “It will be best for the interest of the Chinese and Philippine relationship na siguro magkaroon ng bagong ambasador. It will help a lot,” pahayag niya, na naglalayong mapabuti ang relasyon ng dalawang bansa.
Parehong nanindigan ang mga senador na ang Senado ay nagsusulong lamang ng karapatan nitong ipaglaban ang interes ng Pilipinas. “They have been disrespecting us, but they want respect. They have to respect also Philippine officials,” ani Ejercito, na linaw ang hangarin laban sa expansionism scheme ng gobyerno ni Xi Jinping, hindi sa mamamayang Tsino.
Sa kabila nito, nanawagan si Tulfo ng dialogue sa pagitan ng dalawang panig, habang pinayuhan ni Sen. Robinhood Padilla ang pagiging firm pero diplomatic. Samantala, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na hindi na niya nais makipag-ugnayan sa embassy. “When someone triggers you to react and you do not, it’s annoying! I prefer to be annoying!” pahayag ni Sotto sa kanyang text message.




