
Ipinanawagan ni Senadora Risa Hontiveros ang mas malalim na imbestigasyon ng Senado kaugnay ng umano’y pro-China propaganda na kumakalat sa social media, na aniya’y may malinaw na layuning impluwensiyahan ang pananaw ng publiko at makialam sa usaping panloob ng bansa.
Sa kanyang pahayag sa isang forum, tinuligsa ni Hontiveros ang mga pahayag na aniya’y hindi diplomatikong wika at kapansin-pansing kahawig ng mga naratibong paulit-ulit na lumilitaw sa ilang online page. Ayon sa kanya, ang ganitong retorika at wika ay nagiging pamilyar na hulma ng disinformation na nagdudulot ng kalituhan at hidwaan sa lipunan.
Iginiit ng senador na dapat ipagpatuloy ng Senado ang pagbusisi upang matukoy ang mga nasa likod ng coordinated disinformation machinery, tukuyin kung sino ang nagpapalaganap ng maling impormasyon, at tiyaking may pananagutan ang sinumang mapapatunayang nagtataksil sa interes ng bansa.




