
Ang 15 Filipino crew members ng MV Devon Bay ay nasa generally stable condition, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ilang araw matapos silang rescue ng Chinese coast guard malapit sa Scarborough Shoal. Ayon sa DMW, kailangan pa rin silang sumailalim sa medical check-up para masigurado ang kanilang kalusugan.
Sinabi ni Migrant Workers Undersecretary Felicitas Bay na ang mga nasagip ay sumailalim na sa unang pagsusuri medikal ng Philippine Coast Guard at ng licensed manning agency noong Lunes. “Kahit hinihintay pa natin ang resulta, sinabi sa akin na sila ay nasa generally good condition,” pahayag niya sa PTV.
Binigyang-diin ni Bay na ang survivors ay makakatanggap ng welfare check at financial assistance mula sa DMW at OWWA. Dagdag pa niya, makakatanggap rin sila ng psychological counseling mula sa Department of Health (DOH) at may karapatan sa medical o sickness benefits kung sakaling magkasakit dahil sa insidente.
Samantala, ang pamilya ng dalawang namatay na crew members ay makatatanggap ng funeral assistance at death benefits. “May proseso po sa OWWA death benefits at iba pang entitlements ng seafarers ayon sa kanilang kontrata o collective bargaining agreement,” dagdag pa ni Bay.
Ang MV Devon Bay, na nakarehistro sa Singapore at may 21 Filipino crew, ay nagpadala ng distress signal habang patungo sa Yangjiang, China mula sa Guatalac, Zamboanga del Sur. Ang barko ay lumubog sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone, ayon sa Philippine Coast Guard. Patuloy ang investigasyon ng DMW at PCG, habang dalawang PCG vessels ay naghahanap pa rin ng apat pang missing crew members.




