
MAYNILA — arestado ang 19-anyos na lalaking wanted sa kasong acts of lasciviousness matapos umanong molestyahin nang dalawang beses ang noo’y 15-anyos na babae sa magkaibang sementeryo sa Marikina City.
Kinilala ang suspek na si alyas Mike, na kabilang sa Top 2 most wanted persons ng Marikina City Police Station. Ayon sa pulisya, nag-ugat ang insidente nang manghiram ng cycling short ang biktima sa akusado at hindi ito naibalik. “From there, sabi ng lalaki, pumunta ka rito sa sementeryo,” ani Police Colonel Jenny Tecson, Officer-In-Charge ng Marikina City Police Station.
Unang nangyari ang umano’y pangmomolestya noong May 8, 2024 sa Barangay Sta. Elena at nasundan pa noong May 17, 2024 sa isang sementeryo sa Barangay Tañong. “Yung suspek po natin nung nangyari yung insidente ay 17 years old, menor de edad siya, at ang kanyang biktima ay 15 years old. Parehas pong estudyante at magkakilala,” dagdag ni Tecson.
Agad nagsumbong ang biktima sa kanyang magulang at naglabas ng reklamo laban sa suspek. Lumabas ang warrant of arrest noong October 2024, at naaresto ang lalaki sa Barangay Fortune noong January 12, 2026. Itinanggi naman ng akusado ang bintang at sinabing may relasyon sila noon ng biktima.
Ngayon, nakakulong na sa Marikina Police Custodial Facility ang akusado at nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness na may inirekomendang piyansang P400,000. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang hinihintay ang paglilitis ng kaso.




