
Tumaas ang rockfall events sa Mayon Volcano, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Pinayuhan ang mga residente na iwasan ang paligid ng bulkan, dahil may mga bato na kasing laki ng kotse ang bumabagsak mula sa lava dome ng Mayon.
Ayon kay Phivolcs chief Dr. Teresito Bacolcol, nakapagtala ang ahensya ng isang volcanic earthquake, 162 rockfall events, at 50 pyroclastic density currents (PDCs) noong umaga ng Enero 8. Ipinaliwanag niya na ang patuloy na supply ng magma ay nagdudulot ng paglaki ng lava dome, na nagiging unstable at nagreresulta sa rockfall events.
Ang mga rockfall ay naitala sa Miisi, Bonga, at Basud Gullies, sa timog, silangan, at timog-silangan ng bulkan malapit sa Daraga, Legaspi, at Sto. Domingo. Paliwanag ni Bacolcol: “Parang kotse ‘yan… Ganun kalalaki ‘yung rockfall.”
Binalaan rin niya ang publiko sa panganib ng pyroclastic density currents, na umaabot sa bilis na daan-daang kilometro kada oras. “Ito ang tinatawag na uson sa Bicol, parang avalanche ng abo, bato, at gas. Mabilis at delikado. Sa eruption noong 1993, 77 ang namatay dahil dito,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, nananatili ang Mayon Volcano sa Alert Level 3. Ayon kay Bacolcol, patuloy ang pagmamanman ng Phivolcs sa posibleng pagtaas ng volcanic quakes, PDCs, sulfur dioxide emissions, lava flow, o lava fountaining. “Wala pa tayong nakita na lava flow. Ang ilang mainit na bato at PDC ay mistulang lava flow, pero hindi pa ito tunay na lava flow,” paliwanag niya.




