
Ang halos siyam sa bawat sampung Pilipino (89%) ay sasalubungin ang 2026 nang may pag-asa, ayon sa Social Weather Stations (SWS). Gayunman, ito na ang pinakamababang antas ng pag-asa sa loob ng 16 na taon, kapantay ng naitala noong 2009.
Mula 96% noong 2023, bumaba ang pag-asa sa 90% noong 2024 at ngayon ay 89%. Samantala, ang porsiyento ng mga Pilipinong papasok sa bagong taon nang may pangamba ay tumaas sa 11%, ang pinakamataas mula 2009.
Ipinakita rin ng survey na may ugnayan ang inaasahang Pasko at pananaw sa bagong taon. Sa mga umasa sa masayang Pasko, 92% ang may pag-asa sa 2026, kumpara sa 83% sa neutral at 79% sa mga umasa sa malungkot na Pasko.
Sa usaping rehiyon, pinakamataas ang pag-asa sa Balance Luzon (92%), sinundan ng Metro Manila (90%), Visayas (85%), at Mindanao (84%). Pinakamalaking pagbaba ang naitala sa Mindanao (-5 puntos) at Visayas (-2 puntos).
Ayon sa antas ng edukasyon, pinakamataas ang pag-asa ng may some senior high school (93%) at college graduates (91%), habang pinakamababa sa hindi nakapagtapos ng elementarya (81%). Ang survey ay isinagawa noong Nobyembre 24–30 sa 1,200 adulto, may ±3% margin of error.




