
Ang LRT ay nagbigay ng assurance na magiging maayos ang operations ng LRT-2 ngayong inaasahang dagsa ng pasahero at shoppers sa holiday season. Ayon kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera, ginagawa nila ang lahat para siguraduhing walang aberya sa mga tren kada araw.
Sinabi rin niya na lahat ng station facilities tulad ng escalator, elevator, at comfort rooms ay nasa maayos na kondisyon. Wala pang pagbabago sa train deployment, pero lahat ng transport operators ay inutusan na maghanda para sa holiday rush.
Binanggit ni Cabrera na kailangan na ng additional trains dahil kasalukuyang sampu lang ang tumatakbo sa LRT-2. Humihingi sila ng pondo para makabili ng dagdag na tren at maserbisyuhan ang lumalaking bilang ng commuters.
Habang wala pang bagong tren, tiniyak niyang ang 10 existing trains ay pinapagana araw-araw, lalo na tuwing peak hours, at inaalagaan para maiwasan ang anumang sira habang nasa linya.
Siniguro rin ng LRTA na may medical equipment tulad ng wheelchair, stretchers, at AEDs na handang gamitin sakaling may emergency.




