
Ang isang 65-anyos na lola sa Kabayan, Benguet ay patay matapos matabunan ng lupa habang natutulog sa bahay sa Sitio Tinaleb, Barangay Ballay. Nangyari ito Lunes ng madaling araw sa kasagsagan ng bagyong Uwan.
Ayon sa Kabayan local PIO na si Marilee Pacuyan, natabunan ng lupa ang unang palapag ng bahay kung saan natutulog ang biktima. Mahirap ang rescue dahil hindi madaanan ang kalsada dahil sa landslide at mga natumbang puno.
Base sa post-mortem ng ospital, traumatic brain injury ang sanhi ng pagkamatay ng lola.
Mahigit 199 katao o 69 pamilya ang inilikas sa evacuation centers sa Kabayan. Ang iba ay nakituloy sa mga kaanak noong Martes ng umaga.
Nananatiling nasa red alert ang bayan ng Kabayan para sa agarang pagresponde sa iba pang insidente dala ng bagyong Uwan.

