
Ang isang pulis ay patay matapos umanong mangholdap ng convenience store sa Marilao, Bulacan nitong Lunes ng gabi. Ayon sa imbestigasyon, pumasok ang suspek sa tindahan sa Barangay Sta. Rosa I at nagkunwaring customer bago bumunot ng baril at nagdeklara ng holdap.
Tinatayang ₱20,000 ang nakuha ng suspek mula sa kita ng tindahan bago ito tumakas sakay ng motorsiklo papunta sa Barangay Loma de Gato.
Sa isinagawang hot pursuit operation, naharang ng Marilao police ang suspek, ngunit bigla raw itong bumunot ng baril at nagpaputok. Gumanti ng putok ang mga pulis, dahilan upang tamaan ang suspek. Dinala pa siya sa ospital ngunit dead on arrival.
Napag-alamang isang police captain mula sa Caloocan City ang suspek. Patuloy pang iniimbestigahan kung may kaugnayan siya sa sindikato na sangkot sa mga sunod-sunod na pagnanakaw sa mga convenience store sa Central Luzon.


