
Ang anim na miyembro ng Philippine Air Force (PAF) ay nasawi matapos bumagsak ang kanilang Super Huey helicopter sa Barangay Sabud, Loreto, Agusan del Sur nitong Martes.
Kabilang sa mga nasawi sina Capt. Paulie Dumagan, 2/Lt. Royce Louis Camigla, Sgts. Yves Sijub, John Christopher Golfo, Airman First Class Ericson, at Airman Ameer Khaidar Apion.
Ayon sa ulat, papunta sana ang grupo upang tumulong sa mga biktima ng Bagyong Tino sa Caraga Region nang mangyari ang aksidente.
Nagpahayag ng pakikiramay si Pangulo Ferdinand Marcos Jr. sa mga pamilya at kaibigan ng mga biktima. Ganun din si Defense Secretary Gilbert Teodoro, pati na rin ang buong Armed Forces of the Philippines (AFP) at PAF.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, mananatiling buhay sa alaala ang dedikasyon at sakripisyo ng mga nasawing sundalo na nag-alay ng buhay para sa bayan. Bilang bahagi ng imbestigasyon, pansamantalang ipinahinto ng PAF ang lahat ng operasyon ng Super Huey helicopters.
