
Ang alitan ng magkasintahan sa Barangay Holy Spirit, Quezon City ay nauwi sa gulo at banta ng baril nitong Huwebes. Tatlong lalaki ang naaresto matapos magka-initan at maglabasan ng baril sa San Simon Street.
Ayon kay QCPD Station 14 commander LtCol. Jefry Gamboa, nakisawsaw lang umano ang biktima para awatin ang pagtatalo ng pamangkin ng kanyang asawa at ng kasintahan nito. Akala niya ayos na ang lahat matapos pa niyang ihatid sa bahay ang babae.
Ngunit makalipas ang ilang sandali, bumalik ang suspek kasama ang dalawang lalaki. Nagkaroon ng tulakan at murahan hanggang sa bumunot ng baril ang dalawa. Mabilis na rumesponde ang mga pulis matapos ireport ng barangay ang pangyayari dahil nasa humigit-kumulang ₱100 metro lang ang layo ng istasyon.
Isang tunay na baril ang narekober habang ang isa namang ipinakita ng isa pang suspek ay replika lamang. Sila ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 10591, physical injury, at grave threat.
Ayon sa biktima, hindi niya akalaing mapapahamak siya sa pagtulong lang sana. “Parang ako pa ang napagdiskitahan. Akala ko puputok na ‘yung baril—muntik na akong mamatay,” aniya. Sa ngayon, nakakulong na ang mga suspek sa Police Station 14 custodial facility.




