
Ang komedyanteng si Gil Morales o mas kilala bilang Ate Gay ay masayang ibinahagi na natapos na niya ang kanyang chemotherapy sessions. Sa isang post sa social media, ipinakita niya ang larawan niya sa ospital at sinabi na nalagpasan na niya ang mga panahong walang gana kumain at pagsusuka.
Ayon kay Ate Gay, masaya siya dahil nakakakain na siyang muli ng masarap na pagkain matapos ang ilang buwan ng paggamot. “Yeheyyy! Nalagpasan ko ang pagduduwal at walang panlasa... ngayon nakakain na ng bongga... Graduate na ako sa chemo!” aniya.
Dagdag pa ni Ate Gay, mayroon na lang siyang 15 araw ng radiation at susunod na ang immunotherapy na gagawin tuwing 21 araw. Lubos din siyang nagpasalamat sa mga taong nagdasal at sumuporta sa kanya, dahil malaking tulong umano ito para magpatuloy siyang lumaban sa sakit.
Noong Oktubre, ibinahagi rin niya na ang kanyang bukol ay lumiit mula 10 sentimetro hanggang 8.5 sentimetro sa loob lamang ng tatlong araw. Labis ang kanyang pasasalamat sa mga taong patuloy na nagbibigay ng dasal at tulong pinansyal.
Matatandaan na inanunsyo ni Ate Gay ilang buwan na ang nakalipas na siya ay may Stage IV mucoepidermoid squamous cell carcinoma. Nagpasalamat siya sa mga taong tumulong upang makapagpagamot siya, kabilang ang mga nagbigay ng donasyon na umabot ng daan-daang libong piso.


