
Ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nanawagan sa mga mamamayan na panatilihing mapayapa ang nalalapit na Trillion Peso March sa Nobyembre 30. Ipinahayag niya ito habang nasa Busan, South Korea, matapos umani ng galit ang publiko dahil sa umano’y bilyong pisong korapsyon sa mga proyekto ng flood-control ng gobyerno.
Ayon kay Marcos, nauunawaan niya ang galit ng taumbayan ngunit nag-aalala siya sa posibleng gulo na dulot ng mga “agitators” o manggugulo. “Ang kinakatakot natin ay ‘yung mga gustong manggulo. ‘Yung may dala pang Molotov, halatang hindi mapayapa ang hangarin,” pahayag niya.
Hinimok din ni Marcos ang lahat na iwasan ang karahasan sa mga kilos-protesta. “Tanggalin na ninyo sa isip ninyo ‘yan. Wala namang mangyayari kung manggugulo kayo. May masasaktan lang—maging kasamahan ninyo o mga pulis na wala namang kinalaman,” dagdag ng Pangulo.
Simula pa noong Oktubre 10, lingguhang nagkakaroon ng mga anti-corruption protest ang Trillion Peso March, bilang paghahanda sa malaking pagtitipon sa Nobyembre 30.
Samantala, tiniyak ng pulisya na handa silang magbantay upang maiwasan ang kaguluhan tulad ng nangyari noong Setyembre 21, kung saan dalawang tao ang nasawi at higit 200 ang inaresto sa riot na naganap sa Maynila.