
Ang Senador Erwin Tulfo ay naghain ng panukalang batas na layuning tanggalin ang travel tax na sinisingil sa mga Pilipinong bumibiyahe sa abroad. Ayon sa kanya, ito ay dagdag pasanin sa mga mamamayan na gustong maglakbay.
Sa kasalukuyan, ang travel tax ay umaabot ng ₱2,700 para sa first class at ₱1,620 para sa economy class. May mga diskwento rin para sa mga anak ng OFWs at ilang partikular na pasahero.
Nakasaad sa Senate Bill No. 1409 na ang koleksyon ng travel tax ay dapat nang alisin bilang pagsunod sa ASEAN Tourism Agreement na pinirmahan noong 2002, na naglalayong tanggalin ang mga buwis sa paglalakbay sa mga bansang kasapi ng ASEAN.
Paliwanag ni Tulfo, dapat ay pampamahalaan ang pagpapalakas ng turismo at hindi dapat ipasa ang gastos sa mga ordinaryong nagbabayad ng buwis. Kapag naisabatas ito, agad na ibabalik ang mga nabayarang travel tax para sa mga flight na sakop ng bagong patakaran.
Sa kasalukuyan, 50% ng nakokolektang travel tax ay napupunta sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, 40% sa Commission on Higher Education, at 10% sa National Commission for Culture and the Arts. Kapag tuluyang nawala ang buwis na ito, kukunin na ang pondo mula sa General Appropriations Act.




