
Ang Toyota Motor Philippines ay nakatanggap na ng LTO approval para sa kanilang unang Battery Electric Vehicle (BEV) – ang Toyota bZ4X SUV. Ito ang unang hakbang ng kompanya tungo sa mas environment-friendly na transportasyon sa bansa.
Base sa opisyal na dokumento ng LTO, ang bZ4X ay may sukat na 4,690 mm haba, 1,860 mm lapad, at 1,650 mm taas. May wheelbase itong 2,850 mm at ground clearance na 200 mm, habang ang bigat nito ay nasa 2,110 kg. Ang SUV ay may two-tone design at 235/50R20 na gulong, na nagbibigay ng sporty at modernong look.
Para sa performance, ang bZ4X ay may all-wheel drive system at dalawang electric motor – isang 167 kW (227 hp) sa harap at 88.3 kW (120 hp) sa likod. May combined power itong 343 horsepower at kayang umabot ng 0-100 km/h sa loob ng 5.1 segundo. Ang maximum range nito ay humigit-kumulang 456 kilometro, at may top speed na 160 km/h.
Mayroon itong 73.1-kWh na baterya na may battery pre-conditioning feature para mas mabilis at epektibo ang pag-charge. Ang function na ito ay puwedeng i-activate nang manual o automatic kapag papunta sa fast-charging station.
Ang bagong disenyo ng bZ4X ay mas elegante at aerodynamic, may bagong interior, center console, at 14-inch multimedia screen. Kapag inilunsad sa Pilipinas, inaasahang magiging kakompetensya nito ang ibang electric SUV sa market, na posibleng may presyong nasa ₱3.5 milyon pataas depende sa variant.




