
Ang malaking internet outage nitong Lunes, Oktubre 20, ay nagdulot ng problema sa maraming sikat na apps at websites. Ayon sa Downdetector, nagsimula ang aberya bandang 3 hanggang 5 p.m. kung saan maraming user sa Pilipinas ang nag-ulat ng hindi makapagbukas ng serbisyo.
Isa sa pangunahing naapektuhan ay ang Amazon Web Services (AWS), na nagsisilbing backbone ng iba’t ibang online platforms. Dahil dito, maraming kilalang apps tulad ng Zoom, Canva, at ilang social media at gaming platforms ang nagkaroon ng error at hindi nagamit ng tama.
Ayon sa AWS, ang posibleng ugat ng aberya ay DNS issue sa DynamoDB API endpoint na nasa US-EAST-1 region. Ang DynamoDB ay isang cloud database na madalas ginagamit sa gaming at streaming services para mas mabilis ang performance. Kapag nagka-problema dito, malawak ang naaapektuhan sa buong mundo.
Pagsapit ng 6:30 p.m., iniulat ng AWS na naayos na ang pangunahing DNS issue kaya unti-unti nang bumabalik sa normal ang operasyon. Gayunpaman, inaasahang may ilang serbisyo pa ring makakaranas ng pagkaantala habang inaayos ang backlog ng requests.
AWS naglabas ng pahayag na patuloy silang nagtatrabaho para sa full resolution ng outage at tiniyak na babalik sa normal ang serbisyo sa mga user sa lalong madaling panahon.