
Ang mungkahi ng snap elections ay hindi raw sagot sa katiwalian sa gobyerno, ayon sa ilang mambabatas. Para sa kanila, ito ay isa lamang distraksyon na hindi magbibigay ng tunay na pananagutan sa mga sangkot.
Iminungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano na magbitiw ang lahat ng matataas na opisyal para makapili ang taumbayan ng bagong liderato. Pero ayon sa Makabayan bloc, ang mungkahing ito ay “ilusyon” lang dahil nananatiling kontrolado ng political dynasties at mga negosyanteng may interes ang halalan.
Tinawag naman itong “tone-deaf” ni Rep. Perci Cendaña, dahil ang hinihingi ng taumbayan ay accountability, hindi eleksyon. Sinabi rin ni Rep. Leila de Lima na maraming nagsasagawa ng fake news at paninira para mailihis ang usapan at hindi mabunyag ang buong katotohanan.
Ayon kay Rep. Terry Ridon, hindi pinapayagan ng 1987 Konstitusyon ang snap elections. Ang mas kailangan, sabi niya, ay siguraduhin na ang lahat ng sangkot sa maling paggamit ng pondo, gaya ng sa mga flood control projects, ay mapanagot agad.
Idinagdag pa ni Rep. Chel Diokno na mas mahalaga ang mabilis na kaso at paglilitis laban sa mga tiwaling opisyal. Para sa kanya, ito ang tanging paraan para maibalik ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno.