Ang National Bureau of Investigation (NBI) ay nakahuli ng isang babae noong Setyembre 30 matapos mahuling nagpapatakbo ng illegal investment scam na tumarget sa mga military pensioners gaya ng mga retiradong miyembro ng Navy, Army, at Air Force.
Ayon sa imbestigasyon, nanghihikayat ang grupo ng mga mamumuhunan kahit walang lisensya mula sa Securities and Exchange Commission (SEC). Nangako sila ng mataas na tubo ngunit ang perang nakokolekta ay ginagamit sa maling paraan. Nagpapabayad sila ng processing fee at nagbibigay lamang ng maliit na balik sa mga nag-invest at umutang.
Isa sa mga biktima, si Ret. Commander Bernard Jacob ng Philippine Navy, ay nawalan ng halos lahat ng kanyang retirement money matapos hikayatin ng isang ahente na mag-invest habang hinihintay pa ang kanyang pensyon. Imbes na pambisnes, ang natanggap niya ay bouncing checks.
Isa pa, si Ret. 2nd Lt. Napoleon Ostil, 75 anyos, ay umutang ng ₱500,000 at ipinuhunan matapos pangakuan ng 10% hanggang 15% buwanang balik. Sa una ay may kita siya ngunit nang dumating ang Disyembre, tig-₱10,000 na lang ang ibinibigay sa kanya.
Ayon sa NBI, ginamit ng suspek ang koneksyon sa loob ng military community dahil ang kanyang yumaong asawa ay sundalo rin. Dahil dito, mabilis siyang nakakuha ng tiwala mula sa mga retiradong sundalo. Sa pamamagitan ng entrapment operation, siya ay tuluyang nahuli.
Nahaharap ngayon ang babae sa kasong estafa at paglabag sa Financial Products and Services Consumer Protection Act (RA 11765) at Securities Regulation Code (RA 8799).
Nagpaalala ang NBI sa publiko na tiyaking mayroong secondary license mula sa SEC ang sinumang nangangalap ng investment. Hindi sapat na may rehistro lang—ang secondary license ang magsisiguro na protektado ang iyong pera.