
Ang Philippine Army ay nagrekomenda na tanggalin si Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga sa listahan ng kanilang reserve force. Ito ay matapos niyang hikayatin sa social media ang mga sundalo at reservist na sumali sa protesta noong Setyembre 21.
Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, lumabas sa internal investigation na nagkasala si Barzaga ng malubhang misconduct dahil sa kanyang pahayag. Idinagdag pa niya na ang hakbang na ito ay limitado lamang sa pagiging reservist ni Barzaga at hindi makakaapekto sa kanyang karapatan bilang sibilyan o bilang halal na opisyal.
Batay sa ulat, nilabag ni Barzaga ang General Headquarters (GHQ) Standard Operating Procedure No. 07 na may kinalaman sa pag-enlist, extension, at delisting ng mga miyembro ng AFP Reserve Force.
Iginiit ng Army na nananatili ang kanilang pangako sa propesyonalismo at political neutrality. Ipinaalala nila sa lahat ng sundalo at reservist na sundin ang AFP Code of Ethics upang hindi masira ang tiwala sa Armed Forces.
Sa ngayon, ang rekomendasyon ay naisumite na sa mga tamang ahensya para sa pinal na aksyon.