Ang dating pulis-koloner na si Rafael Dumlao III, na isa ring abogado, ay humaharap sa disbarment case matapos siyang hatulang guilty sa pagdukot at pagpatay kay Jee Ick-joo, isang negosyanteng South Korean noong 2016.
Naghain ng reklamo ang biyuda ni Jee, si Kyungjin Choi, sa Korte Suprema. Ayon sa kanya, ang conviction ni Dumlao ay isang malubhang paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA), na puwedeng humantong sa tuluyang pagkakatanggal sa listahan ng mga abogado.
Idiniin din ni Choi na ang ginawa ni Dumlao ay may moral turpitude at maituturing na grossly immoral conduct, dahilan para tanggalin siya sa pagiging abogado. Lumabag din umano si Dumlao sa kanyang Lawyer’s Oath na kanyang sinumpaan matapos pumasa sa Bar.
Hiniling ng biyuda na disbar si Dumlao dahil ang kanyang “grossly immoral conduct at pagsuway sa batas” ay malinaw na kawalan ng respeto sa tungkulin ng isang abogado.
Hinatulan si Dumlao ng habambuhay na pagkakakulong nang walang parole at pinagbabayad ng halos ₱350,000 na danyos para sa kaso ng kidnapping with homicide. May isa pang hatol ng habambuhay na kulong at ₱225,000 na danyos para sa kidnapping at serious illegal detention, at karagdagang hanggang 35 taon na kulong para sa carjacking. Sa ngayon, nananatiling at large si Dumlao matapos makapagpiyansa noong 2019 bago siya tuluyang hatulan guilty ng Court of Appeals.