
Ang totoo, hindi ko alam kung paano sisimulan ang kwento kong ito. Ako ay 26 anyos na nurse, at siya naman ay 30 anyos na sundalo. Pareho kaming galing sa masakit na breakup—ako iniwan ng ex, siya naman niloko ng dati niyang girlfriend. Kaya noong una kaming nagkakilala, ramdam kong pareho pa kaming sugatan.
Noong una, ayaw ko talagang pumasok sa kahit anong relasyon. Sabi ko sa sarili ko, baka lang ako masaktan ulit. Kaya kahit lagi niya akong chinachat—"good morning," "ingat sa duty," "kain ka muna bago pumasok"—hindi ko siya masyadong pinapansin. Pero hindi siya tumigil. Araw-araw nandiyan siya, matyaga, maalaga, at kahit ramdam kong gusto niya ng sagot, hindi niya ako pinilit. Noon kasi, hindi pa talaga ako ready.
Habang tumatagal, dumating din ang mga araw na nag-aaway kami. Simple lang, pero mabigat sa puso ko kasi nakita ko ang kakulangan niya sa emotional intelligence. Hindi siya marunong magsabi ng “sorry”, at kailangan ko pang ipaliwanag lahat ng bagay. Nakakapagod, pero sa kabila nun, lagi siyang bumabalik, at sa totoo lang, unti-unti ko siyang minahal. Inisip ko na kapag nagtanong siyang muli, handa na akong sagutin siya.
Pero dumating ang araw na halos bumigay ang katawan ko. Naospital ako, muntik nang mamatay sa ICU. Hindi niya agad nalaman kasi bago pa ako isugod, hindi kami okay noon. Nang sinabi ko sa kanya, inabot ng 4 araw bago siya sumagot, at nung sumagot pa siya, tinanong lang kung saan ako na-admit. Pagkatapos nun, 8 araw ulit bago siya nagparamdam. Sa panahong nasa ospital ako ng isang buwan, umasa ako na pupuntahan niya ako, na mararamdaman ko ang presensya niya, pero wala.
Habang ako ay mahina at pilit lumalaban sa sakit, nalaman kong lumalabas siya at may dine-date na iba. Nakita ko pa sa social media ang mga litrato ng bago niyang kasama. Ang sakit. Habang ako ay nakaratay at araw-araw na umiiyak, siya pala ay nag-eenjoy sa iba. Para bang tinapos niya na ang kwento namin, nang hindi man lang binibigyan ng pagkakataon ang pagmamahal na nabuo sa puso ko.
Pagkalipas ng isang buwan, bigla siyang nag-chat. Sabi niya, nami-miss daw niya ako at gusto niyang ayusin kami. Pero sinabi ko na huwag na, kasi sobra na ang sakit na dinulot niya. Ilang linggo lang ang lumipas, nabalitaan kong engaged na siya sa iba. Nang kinausap ko siya, ang sabi niya, nag-propose daw siya kasi hindi ko raw siya binigyan ng chance.
Hanggang ngayon, mahal ko pa rin siya, pero hindi ko alam kung paano ko haharapin ang katotohanang nag-propose siya sa iba habang ako ay naghihintay sa kanya. Hindi ko alam kung magiging okay pa ba ako sakaling bumalik siya, o kung kaya ko pang magtiwala ulit.
Ito ang totoo: mahal ko siya, pero baka huli na ang lahat. Kaya ang tanong ko—paano ba makakalimot sa taong minahal mo, pero pinili ang iba?