
Ang pinakabagong survey ng OCTA Research ay nagpapakita na tinatayang 11.9 milyong pamilyang Pilipino o 45% ng populasyon ang nagsasabing sila ay mahirap. Tumaas ito mula 42% noong Abril, katumbas ng humigit-kumulang ₱800,000 pang pamilyang nadagdag sa listahan ng mahihirap. Samantala, 16% lamang ang nagsabi na hindi sila mahirap, habang 39% ay hindi sigurado.
Sa datos ayon sa rehiyon, Mindanao ang may pinakamataas na antas ng kahirapan na umabot sa 63% mula 61%, sinundan ng Visayas na 59%, Balance Luzon na 37% mula 29%, at Metro Manila na 23% mula 28%.
Bukod dito, lumobo rin ang self-rated food poverty o kakulangan sa sapat at masustansyang pagkain mula 35% noong Abril patungong 43% nitong Hulyo. Ayon sa OCTA, kahit may tirahan at ilang ari-arian pa ang ibang pamilya, napipilitan silang bawasan ang dami o kalidad ng pagkain para makaangkop sa badyet. Ito ay posibleng magdulot ng problema sa kalusugan at nutrisyon.
Sa kabila ng pagtaas ng food poverty, nanatili sa 13% ang hunger rate o mga pamilyang nakaranas ng kawalan ng pagkain kahit isang beses sa nakaraang tatlong buwan. Malaking pagbaba ang naitala sa Mindanao mula 23% tungo sa 4%, ngunit tumaas sa Visayas (20% mula 15%), Metro Manila (13% mula 11%), at Balance Luzon (13% mula 7%).
Ang survey ay isinagawa mula Hulyo 12 hanggang 17 sa 1,200 katao, na may margin of error na ±3%.