
Ang aktres na si Klea Pineda ay opisyal nang kinumpirma ang hiwalayan nila ng kanyang longtime girlfriend na si Katrice Kierulf matapos ang tatlong taon na pagsasama. Sa isang emosyonal na post sa social media, inamin ni Klea na masakit at mahirap ang naging desisyon pero kailangan nilang tanggapin ang sitwasyon.
Sinabi ni Klea na kahit maraming pinagdaanan, sobrang ganda ng samahan nila ni Katrice. “Parang higit pa sa tatlong taon ‘yung pinagsamahan namin,” dagdag niya. Ibinahagi rin niya na si Katrice ang taong nagmahal sa kanya kahit sa mga panahong hindi niya kayang mahalin ang sarili niya.
Pinapasalamatan ni Klea ang mga tagasuporta na naging saksi sa kanilang kaligayahan bilang magkasintahan. Nagpasalamat din siya sa kanilang mga pamilya sa pagmamahal at pagtanggap kay Katrice bilang bahagi ng buhay niya.
Ayon kay Klea, sinubukan nilang ayusin ang relasyon pero napagtanto nilang may mga bagay sa buhay na kailangang unahin, at nauwi ito sa kanilang paghihiwalay. “Wala na kaming magagawa kundi tapusin na lang talaga,” sabi niya.
Sa huli, nag-iwan si Klea ng personal na mensahe para kay Katrice: “Naging masaya naman tayo, ‘di ba? Hindi ko alam kung swerte ba ako o malas kasi dumating ka pero may hangganan.” Pinangako rin niyang kahit anong mangyari, mananatili ang pagmamahal niya kay Katrice.