Ang dating jail officer ng Bureau of Corrections ay naaresto sa Santa Rosa, Nueva Ecija matapos siyang maiugnay sa madugong pagdukot at pagpatay sa isang negosyante at anak nito sa Quezon City noong Hunyo 2024. Ayon sa NBI-Homicide Division, ang suspek ay nakipagsabwatan sa dating driver ng negosyante, na dati ring Person Deprived of Liberty (PDL), at sa iba pang mga ex-convicts.
Kwento ng imbestigasyon, hinarang umano ng grupo ang sasakyan ng mag-ina. Nang makatunog ang anak sa planong pagdukot, umatras ito pero agad pinaputukan ng mga suspek. Napatay ang anak habang tinangay naman ang ina. Makalipas ang ilang araw, natagpuan na lamang ang bangkay ng negosyante na hindi na makilala dahil sa pagkabulok.
Itinanggi naman ng dating jail officer ang mga paratang at sinabing wala siyang kinalaman sa insidente. Pero ayon sa mga kaanak ng biktima, hindi sapat ang pagtanggi—hustisya ang sigaw nila, lalo’t buhay ang nawala. Sinampahan na ng kasong Kidnapping for Ransom with Homicide ang suspek.