
Ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ay inaresto ang dalawang tao na umano’y sangkot sa bentahan ng peke at pre-registered SIM cards. Kinilala ang mga suspect na sina Marvin Eugenio at Marcedes Clemente.
Nahaharap na ngayon ang dalawa sa mga kasong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act (RA 12010), Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175), at Access Devices Regulation Act of 1998 (RA 8484) na may kaugnayan din sa cybercrime law.
Isinagawa ang operasyon ng NBI Cybercrime Division (NBI-CCD) at NBI Special Task Force (NBI-STF) gamit ang warrant to search, seize, and examine computer data na inilabas ng Caloocan City RTC Branch 123.
Nasamsam sa operasyon ang mahigit 6,000 pre-registered SIM cards, 4 na set ng 32-port SIM banks, at ilang computer at cellphone units na pinaniniwalaang gamit sa iligal na aktibidad.
Tiniyak ng pamunuan ng NBI na ipagpapatuloy ang ganitong mga hakbang upang masawata ang mga iligal na gawain kaugnay ng SIM fraud at cybercrime sa bansa.