Ang mga awtoridad sa Mactan-Cebu International Airport ay nakaharang ng halos ₱500 milyon cash noong Biyernes ng gabi. Kinuwestiyon nila ang siyam na banyaga at dalawang Pilipino dahil sa dala nilang pitong mabibigat na bag, bawat isa ay may timbang na 70 kilo at puno ng pera.
Ipinahayag ng mga taong ito na ang pera ay panalo raw sa casino, ngunit duda ang mga awtoridad na ito ay mula sa illegal na POGO (Philippine Offshore Gaming Operator). Ayon sa source, nahihirapan na raw ang mga POGO operator na itago ang kanilang kita mula nang itigil ng mga casino ang Over the Counter (OTC) services.
Ginawa ng mga casino ang hakbang na ito matapos matuklasan ng PNP at AMLC na ang ₱200 milyon na ibinayad ng pamilya ng negosyanteng si Anson Que sa mga kidnapper ay dumaan sa dalawang casino junket operator. Hanggang ngayon, hindi pa rin nare-recover ang pera.
Ang mga perang galing sa iligal na gawain ay kadalasang ipinapasok muna sa casino para "maihalo" sa malinis na pera. Patungo sanang Maynila ang mga indibidwal nang sila ay mahuli sa airport. Noong Sabado, nagpatupad ang Comelec ng 3-day ban sa pagdadala ng cash na lampas ₱500,000.