Ang isang pickup truck ay tinangay ng malakas na baha sa isang ilog sa Purok 1, Manasa, Barangay Anitapan, Mabini, Davao de Oro. Naganap ito matapos subukan ng sasakyan na tumawid sa rumaragasang tubig.
Sa isang viral na video na in-upload ni Gerly Clor, makikita kung paano inanod ng baha ang pickup truck. Halos mawala na ito sa agos, pero naitali pa ito ng lubid para hindi tuluyang matangay.
Buti na lang, ligtas na nakalabas agad ang mga sakay ng sasakyan bago pa ito tuluyang dalhin ng tubig.
Ayon sa ilang residente, madalas bumaha sa lugar kapag malakas ang ulan. Kaya naman paalala nila, iwasan munang tumawid sa ilog kapag malakas ang agos.
Wala namang nasaktan sa insidente, pero panawagan ng mga lokal na opisyal ay maging maingat tuwing may ulan o bagyo para maiwasan ang kapahamakan.