Nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang P272 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Rizal Cement Village, Brgy. Pantok, Binangonan, Rizal noong Miyerkules.
Ayon kay Atty. Joseph Frederick Calulut, tagapagsalita ng PDEA, tinatayang 40 kilo ng shabu ang nasamsam.
Arestado sa operasyon ang isang suspek na kinilala bilang si "Ronald" na umano'y wholesaler ng shabu sa Rizal at Metro Manila.
Nakuha sa operasyon ang 40 foil packs na may label na "168 Freeze-dried Durien" na naglalaman ng puting mala-kristal na substance na hinihinalang shabu.
Ayon sa PDEA, base sa mga intelligence report, pinaniniwalaang nagmula sa Myanmar ang mga ilegal na droga at maaaring dinala sa bansa sa pamamagitan ng backdoor entries sa mga seaport.