Nesthy Petecio, Filipina boxer at bronze medalist sa 2024 Paris Olympics, ay nagpasalamat sa mga dating Olympians na naging inspirasyon niya sa kanyang pangarap na maging atleta.A
Si Petecio at kapwa boxer na si Aira Villegas ay tumanggap ng President's Award mula sa Philippine Sportswriters Association (PSA) sa kanilang annual awards night na ginanap sa Manila Hotel.
Sa kanyang speech, pinuri rin ni Petecio si Carlos Yulo, na nanalo ng dalawang gold medals at itinanghal bilang 2024 PSA Athlete of the Year.
"Caloy, super proud ako sa two golds mo. Pangarap ko din 'yan at alam ko makukuha ko rin 'yan someday," sabi ni Petecio.
Iginawad din ng PSA ang parangal sa mga dating Olympians mula 1964 hanggang 2024, na kinatawan ni Freddie Webb, isang dating senador at basketball icon.
"Habang tinitingnan ko po kayo dito kanina, sabi ko sa sarili ko, ito ang mga taong naghubog sa pangarap kong maging Olympian," dagdag ni Petecio.
Si Petecio ay ang kauna-unahang Pilipinong boksingero na may dalawang Olympic medals, matapos siyang mag-uwi ng silver sa kanyang debut sa Tokyo 2020.