Iniulat ng Department of Health (DOH) na ang bilang ng kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) ay triple mula Enero 1 hanggang Pebrero 22.
Ayon sa pahayag ng DOH noong Sabado, Marso 1, umabot sa 7,598 ang naitalang kaso ng HFMD sa panahong ito.
Mas mataas ito nang tatlong beses kumpara sa 2,665 na kaso noong 2024, ngunit mas mababa kumpara sa higit 2,500 lingguhang kaso na naiulat noong Pebrero 2023. Sa mga tinamaan ng sakit, 56% (4,225) ay mga batang may edad apat pababa, habang 2,069 kaso naman ay mula sa mga batang edad lima hanggang siyam.
Ayon sa DOH, ang HFMD ay isang nakahahawang sakit na kumakalat sa pamamagitan ng laway at paghawak sa mga bagay na kontaminado ng virus, na maaaring pumasok sa katawan kapag hinawakan ang mata, ilong, o bibig.
Bagamat karaniwang banayad ang mga sintomas ng HFMD tulad ng lagnat, ubo, sipon, sugat sa bibig, at paltos sa kamay, paa, at puwet, maaari itong humantong sa mas malalang kondisyon gaya ng meningitis o encephalitis (pamamaga ng utak), bagamat bihira.
Pinapayuhan ng DOH ang mga may sintomas o kumpirmadong may HFMD na huwag munang pumasok sa paaralan o trabaho at mag-isolate ng pito hanggang sampung araw o hanggang sa mawala ang lagnat at gumaling ang mga sugat.
Iminumungkahi rin na ihiwalay ang kanilang personal na gamit at regular na linisin ang kanilang lugar ng pag-iisa upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.