
Ang dating Taiwanese aktor at singer na si Lee Wei at ang kanyang asawang si Chien ay idinawit sa isang kaso ng pagpatay kaugnay ng isang babae na konektado sa isang Buddhist group na kanilang kinabibilangan.
Noong una, si Lee ay tinuring lamang na saksi, pero matapos ang ilang beses na imbestigasyon, siya at ang kanyang asawa ay opisyal nang idineklarang mga suspek. Hinalughog din ng mga awtoridad ang kanilang tirahan.
Ayon sa ulat ng Focus Taiwan, si Lee ay pinalaya sa piyansang NT$300,000 (P531,166) habang ang kanyang asawa ay NT$150,000 ang piyansa.
Nangyari ang insidente noong Hulyo 2024, kung saan natagpuan ang biktima na si Tsai na walang malay sa isang residential block sa Taipei. Base sa autopsy, siya ay namatay dahil sa rhabdomyolysis, isang bihirang kondisyon na may kaugnayan sa labis na pagkapagod ng kalamnan.
Apat sa 11 na suspek ang kasalukuyang nakakulong mula noong Enero.
Nakilala si Lee Wei sa 2001 Taiwanese series na Toast Boy's Kiss, at nagkaroon ng maraming TV roles sa Spicy Teacher, Sweet Lemon, at Singles Dormitory.
Lumayo siya sa showbiz nang tumama ang COVID-19 pandemic at naging isang tapat na Buddhist follower.