
Matapos makatanggap ng batikos sa paggamit ng EDSA bus lane, inimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang isang leaked memorandum na umano’y nag-utos sa mga opisyal nito na pagaanin ang isyu. Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Randulf Ruano, sinusuri pa nila ang authenticity ng dokumento upang matiyak ang tunay nitong nilalaman.
Ang memo, na pinirmahan umano ni Police Major General Roderick Augustus Alba, ay naglalaman ng plano na maglabas ng mga materyales upang “mabawasan ang negatibong reaksyon” tungkol sa paggamit ng PNP ng bus lane. Ayon kay Ruano, nananatiling committed ang PNP sa transparency, accountability, at integridad sa kanilang mga operasyon at komunikasyon.
Ang umano’y memo ng PNP ay may estratehiya na "i-redirect ang atensyon ng publiko" upang mapigilan ang negatibong pananaw sa isyu. Kaugnay nito, ipinagtanggol ni PNP Chief General Rommel Marbil at Police Brigadier General Jean Fajardo ang paggamit ng bus lane noong Pebrero 26, sinabing ito ay dahil sa isang emergency meeting sa Camp Crame. Ngunit ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, wala siyang binigay na pahintulot sa anumang paglabag sa traffic rules.
Samantala, nagbigay ng babala ang Malacañang tungkol sa pang-aabuso ng bus lane. Ayon kay Press Officer Claire Castro, hindi sapat ang pagsasabing may emergency para gamitin ito, at kailangang may konkretong ebidensya. Dagdag pa niya, hindi kasama sa emergency ang pag-attend ng mga pulis sa meeting.
Binigyang-diin ng PNP na hindi nila palalampasin ang anumang pagtatangkang manipulahin ang opinyon ng publiko. Ayon kay Ruano, naninindigan sila sa accountability at due process sa lahat ng isyu na kinasasangkutan ng kanilang hanay. Habang iniimbestigahan ang leaked memo, hinimok ng PNP ang publiko na kumuha ng impormasyon mula sa mga lehitimong sources.