
Mahigit P22.8 milyon halaga ng pinatuyong marijuana ang winasak ng Philippine National Police (PNP) sa isang koordinadong anti-drug operation sa Taba-aw, Poblacion, Kibungan, Benguet noong Martes. Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga sa rehiyon.
Ayon sa ulat, umabot sa 190,000 gramo ng pinatuyong tangkay, dahon, at may bunga na bahagi ng marijuana ang nadiskubre sa isang communal forest sa lugar. Natukoy ng mga awtoridad ang tatlong magkakahiwalay na site sa loob ng kagubatan—kung saan nakumpiska ang 70,000 gramo sa unang site, 100,000 gramo sa ikalawa, at 20,000 gramo sa ikatlo.
Bawat site ay maingat na idinokumento, at kumuha ng sapat na sample para sa laboratory examination ang Regional Forensic Unit–Cordillera bago isinagawa ang pagsunog ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling mapagmatyag, agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad, at patuloy na suportahan ang mga hakbang ng pamahalaan sa laban kontra illegal drugs. Ang insidenteng ito ay patunay ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng kapulisan upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa komunidad.




