
Binuwag ng National Bureau of Investigation (NBI)–NCR ang isang cybercrime hub sa Clark Freeport, Pampanga, kung saan 14 na indibidwal ang inaresto dahil sa umano’y panloloko sa mga retirado at iba pang mamamayan. Isinagawa ang operasyon matapos ang masusing surveillance at pagkalap ng ebidensya laban sa grupo.
Noong Pebrero 21, 2026, nagsilbi ng search warrant ang mga ahente ng NBI sa naturang pasilidad. Sa operasyon, nakumpiska ang ilang computer, cellphone, daan-daang SIM cards, at listahan ng personal na impormasyon ng mga pinaghihinalaang biktima. Ayon sa mga awtoridad, malinaw na nagpapakita ang mga ebidensya ng organisadong aktibidad ng online scamming.
Batay sa imbestigasyon, gumagamit umano ang grupo ng “social engineering” at phishing links upang mahikayat ang mga biktima na mag-invest sa isang pekeng online platform. Kapag nakapagdeposito na ang mga ito, tuluyan nang nawawala ang kanilang pera at hindi na ito nababawi. Target umano ng sindikato ang mga retirado at indibidwal na naghahanap ng dagdag na kita online.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act, at Republic Act 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act. Patuloy ang paalala ng NBI sa publiko na maging mapanuri sa mga kahina-hinalang investment offer at iwasang magbahagi ng personal at pinansyal na impormasyon sa mga hindi beripikadong link o digital platform.

