
Mahigit 7,000 pulis at security forces ang naka-deploy sa iba't ibang bahagi ng Iloilo City at karatig-lugar upang masiguro ang kaayusan at seguridad sa darating na Dinagyang Festival 2026, ayon kay Western Visayas top cop P/Brig. Gen. Josefino Ligan.
Ang Dinagyang Festival ay isa sa pinakamalalaking kultural at relihiyosong selebrasyon sa bansa, kilala sa makukulay na street dancing, ritmo ng tambol, at detalyadong performances na naglalarawan ng kasaysayan at pananampalataya ng Iloilo.
Sa isang seremonya sa Freedom Grandstand, opisyal na pina-deploy ng Police Regional Office 6 ang kabuuang 7,579 police personnel at force multipliers. “Kasama sa heightened security preparations ang deployment na ito dahil inaasahang dadagsain ng libu-libong deboto, performers, at turista ang lungsod para sa taunang selebrasyon,” ani Ligan.
Dumalo rin sa seremonya sina Iloilo City Mayor Raisa Treñas at Dr. Raul N. Banias, kinatawan ni Iloilo Governor Arthur “Toto” Defensor Jr., na nagpapakita ng matibay na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga hakbangin ng Philippine National Police at kasamang ahensya. Kasama rin ang AFP, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Bureau of Jail Management and Penology, City Traffic and Transport Management Office, at iba pang force multipliers.
Binigyang-diin ni Ligan ang kahalagahan ng disiplina at propesyonalismo sa lahat ng naka-deploy na personnel. Kabilang sa mga security measures ang mas pinaigting na police visibility, crowd control, traffic management, at mabilis na response capabilities sa buong duration ng selebrasyon. Ang Dinagyang Festival, na ginaganap tuwing ika-apat na Linggo ng Enero, ay nagbibigay-pugay kay Señor Sto. Niño at nagdiriwang ng pagdating ng Malay settlers sa Panay at pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa rehiyon, na umaakit ng malaking bilang ng deboto at turista mula sa bansa at abroad.




