
Ang kilalang Mediterranean restaurant na Anzani mula Cebu ay opisyal nang nagbukas sa Ville Sommet, Tagaytay, sa pangunguna ni Chef Marco Anzani. May malawak na karanasan ang chef matapos magtrabaho sa ilalim ng mga culinary legend tulad nina Alain Ducasse at Paul Bocuse, bago tuluyang manirahan sa Pilipinas at itayo ang orihinal na Anzani sa Nivel Hills, Cebu kasama ang asawang si Kate Anzani.

Iba ang konsepto ng Anzani Tagaytay dahil nagsisilbi rin itong all-day dining restaurant ng property. Mayroon itong dalawang outlet: ang Gusto Café at Anzani Neo Mediterranean. Sa Gusto Café, puwedeng mag-enjoy ng Italian-style coffee, fresh pastries, gelato, at Neapolitan pizza na niluluto sa Italy-made pizza oven—perpekto para sa quick stop o almusal sa malamig na klima ng Tagaytay.






