
Ang EDSA ay dapat mas accessible at ligtas para sa PWD at matatanda, ayon sa isang transport advocate. Sinabi ni Luisito Gepuela ng Move as One Coalition na mahalaga ang tamang disenyo ng kalsada at pampublikong transportasyon para sa lahat.
Ayon kay Gepuela, ang disenyo ng mga kalsada at public spaces para sa PWD at matatanda ay nakakatulong sa lahat, dahil lahat ay tumatanda balang araw. Tinukoy niya ang “Lola test” bilang sukatan kung gaano kaginhawa ang public transport para sa matatanda.
Dagdag niya, dapat may maayos na sidewalks at bike lanes. Mas ligtas kung may concrete barrier sa bike lanes dahil maraming motorista ang hindi sumusunod sa patakaran.
Binanggit rin ni Gepuela na mas dapat pokus ang polisiya sa “move people, not cars.” Mas marami ang maihahatid sa mas mabilis at mas epektibong transportasyon kung babawasan ang paggamit ng pribadong sasakyan.
Para mabawasan ang trapiko sa EDSA, kailangan ding dagdagan ang kapasidad ng mass transportation tulad ng LRT, MRT, at mga bus, at siguraduhing konektado ang mga ito sa bawat isa para mas maginhawa ang biyahe ng mga pasahero.

