
Ang pangulo Ferdinand Marcos Jr. ay naglahad na ang pagtutok niya sa korapsyon sa mga flood control projects ay parang pag-opera ng kanser — masakit, pero kailangan para gumaling ang bansa. Ayon sa kanya, ang mga eskandalo, exposé, at mga pagbabago sa gobyerno ay bahagi ng pagputol sa lumang sistema na puno ng abuso at maling gawain.
Sinabi ni Marcos na kahit mahirap ang pinagdadaanan ng bansa, kailangan itong gawin para matigil ang mga problema na paulit-ulit nang nangyayari sa nakaraang tatlong dekada. Dagdag niya, “maaaring dumudugo tayo ngayon, pero babangon at gagaling agad ang mga Pilipino.”
Nagsimula ang iskandalo matapos ang kaniyang SONA, kung saan iniutos niya ang imbestigasyon sa substandard at ghost projects sa flood control. Nagkaroon ng arrest orders laban kay dating kongresista Zaldy Co at ilang contractors. Nagdulot ito ng mga resignation, leadership changes, at mga usaping pampulitika.
Tiniyak ni Marcos na tuloy ang kampanya laban sa korapsyon, abuso, at entitlement sa gobyerno. Aniya, alam nila ang direksyong tinatahak at gagawin nila ang lahat, kahit 24/7, para matapos ang paglilinis ng sistema.
Nanawagan din ang pangulo sa media na labanan ang fake news, na tinawag niyang “crazy mind game.” Hiling niya ang tulong ng mga mamamahayag upang maturuan ang publiko na maging mas maingat sa impormasyon at hindi basta maniwala sa mga maling balita at teorya na walang basehan.




