
Ang mga OFW, kasama ang Bureau of Customs (BOC), ay humarap sa NBI OIC Director Lito Magno upang magsampa ng reklamo laban sa mga cargo forwarders na umano’y naghawak at nagpabagal sa pag-release ng balikbayan boxes. Nag-assign si Magno ng mga ahente na tututok sa imbestigasyon sa mga kumpanyang sangkot sa delay.
Ayon kay Customs Deputy Commissioner Michael Fermin, kabilang sa inirerekomendang kaso ang large-scale estafa. Ipinaliwanag niya na ang tunay na atraso ay nangyari dahil hindi na-proseso at hindi nabayaran ang mga dapat na duties. Humigit-kumulang 10,000 OFWs ang apektado, at tinatayang 52,000 boxes o 130 containers ang hindi naipadala sa oras.
Sinabi pa ni Fermin na pasok ito sa large-scale estafa dahil sa dami ng biktima at laki ng halagang sangkot. Nangako naman ang NBI na papanagutin ang lahat ng responsableng grupo o indibidwal.
Dagdag pa ni Magno, kailangan protektahan ang ating modern-day heroes. Titiyakin umano ng NBI na mabibigyan sila ng tulong para maprotektahan ang kanilang karapatan at pinaghirapang padala. Sinimulan na ang imbestigasyon para malaman ang puno’t dulo at makilala ang mga dapat managot.




