
Nagulat ang marami nang inilabas ng DJI ang Osmo Mobile 8 bago matapos ang 2025. Mas pinaganda ito mula sa 7P at mas refined ang overall experience. Nagamit ko ang Osmo Mobile 8 nang ilang linggo bago ang launch para makita kung top choice pa rin ba ito para sa mobile creators.
Isa sa mga nagustuhan ko ay ang compact na design. Tulad ng 7P, pwede mo itong i-fold kaya kasya sa bag o kahit sa maluwag na bulsa. Malaking tulong din ang magnetic clamp dahil mabilis ko itong naikakabit sa phone kapag kailangan kong mag-shoot agad—lalo na noong nag-cover ako ng KPop performances sa Bench’s Shoot of Asia sa MOA Arena.
Maganda rin ang built-in tripod legs at extension rod, na nakatulong para makakuha ako ng tamang angle sa performance ni Sandara Park. Kahit may vibration sa sahig ng arena, nanatiling stable ang mga kuha dahil mahusay ang gimbal. Kung hindi sapat ang built-in tripod, may tripod socket ito para sa mas malaking tripod.
Malaki ang ambag ng Multifunctional Module dahil may adjustable fill light at tracking na gumagana kahit gamit ang native camera app ng phone. Ibig sabihin, pwede kang mag-shoot ng 4K60 o HDR video kahit hindi sa DJI Mimo App. Sa battery life naman, umabot pa ako ng 20% matapos gamitin nang halos kalahati ng 5-hour event kahit 70% lang ang initial charge.
Sa kabuuan, pinatunayan ng DJI na sanay sila sa gimbals at creative tools. Ang Osmo Mobile 8 ay mas pinaganda na bersyon ng 7P na may mas mahusay na tracking at mas creative na shooting options. Para sa mga beginner content creators na may magandang camera sa phone, sulit itong gimbal. May native support din ito para sa DJI microphones kaya perfect sa minimalist vlogging setup.










