
Ang House Majority Leader na si Sandro Marcos ay nagsabing handa siyang humarap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) para ipaliwanag ang mga alegasyon na ibinabato sa kaniya ni dating congressman Zaldy Co tungkol sa umano’y iregularidad sa flood control projects. Sa kaniyang liham noong Nobyembre 26, tiniyak niya ang buong kooperasyon, pagsagot sa mga tanong, at pagbibigay ng malinaw na detalye para sa imbestigasyon.
Sinabi ni Marcos na nakahanda siyang lumahok anumang oras at may buong paggalang siya sa trabaho ng ICI para alamin ang katotohanan. Giit pa niya, ang mga paratang ni Co laban sa kaniya at sa Pangulo ay bahagi lamang ng umano’y destabilization na layong guluhin ang administrasyon at ilihis ang isyu mula sa mga kinakaharap na problema ni Co.
Samantala, kinumpirma ng ICI na kanilang “tinatandaan” ang pahayag ni Marcos at magpapasya sila sa petsa ng pagdinig. Patuloy ding lumalabas ang iba pang isyu kaugnay ng flood control projects, kabilang ang panawagan na ilabas ng DPWH ang database ng mga proponents sa National Expenditure Program, pati ang paggiit ng ilang kongresista na walang ghost projects sa kanilang distrito.




