
Ang isang mambabatas ay nanawagan sa Kongreso na aprubahan ang panukalang batas na magbibigay ng mas mataas na benepisyo at hazard pay para sa mga barangay officials, matapos ang pagpatay sa dalawang kapitan sa magkaibang insidente sa iisang araw.
Sinabi ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos na inihain niya ang House Bill No. 2004 o Barangay Workers’ Benefits Act, na layong bigyan ng dagdag proteksyon at suporta ang mga opisyal na araw-araw humaharap sa mabigat na tungkulin at panganib.
Ayon sa kanya, matagal nang nagsisilbing frontliners ang mga barangay workers sa panahon ng sakuna, emergency, at problema sa seguridad, ngunit marami pa rin ang walang sapat na benepisyo o hazard compensation. Idinagdag ni Santos na panahon na para itama ang kawalan ng proteksiyon para sa mga nasa grassroots level.
Nangyari ang panawagan matapos mapatay si Oscar “Dodong” Bucol Jr., kapitan ng Barangay Tres de Mayo sa Digos City, na binaril habang nagla-livestream. Sa Pampanga naman, napatay si Jinky Quiambao, kapitan ng Barangay Balibago, matapos pagbabarilin ng dalawang lalaki.
Sa ilalim ng panukala, makakatanggap ang barangay officials ng hazard pay, GSIS membership, PhilHealth coverage, at PagIBIG enrollment. Iginiit ni Santos na hindi katanggap-tanggap na patuloy silang nagtatrabaho nang walang sapat na proteksyon, lalo na’t sila ang unang sumasagot sa problema ng komunidad.




