
Ang Bureau of Customs (BOC) ay nakahuli ng kush o high-grade marijuana na itinago sa Labubu toys sa Port of Clark.
Ayon sa BOC, umabot sa 538 grams ng kush na may halagang P807,000 ang nakalagay sa isang parcel na idineklarang Labubu keychains. Ang padala ay mula Hong Kong at nakatakdang ihatid sa Biñan, Laguna.
Pinuri ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang pagiging alerto ng mga tauhan ng Port of Clark at partner agencies sa operasyon. Sinabi niyang patuloy ang kanilang pagtutulungan upang pigilan ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa.
Na-flag ang parcel noong Nobyembre 15 matapos makita ng X-ray Inspection Project ang kahina-hinalang imahe. Noong Nobyembre 19, nagsagawa ang PDEA ng K9 sniff test na nagpakita ng positibong indikasyon ng droga. Sa pisikal na inspeksiyon, nakita ang dalawang kahon ng Labubu keychains na may transparent pouches na may lamang tuyong dahon at tops na hinihinalang marijuana.
Pinuri rin ni BOC district collector Jairus Reyes ang galing sa profiling ng frontline officers. Naglabas na ng warrant of seizure and detention para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.




